Taong 2004 ng ako ay magtapos ng kolehiyo. Pansamantala ay nakadagdag ako sa bilang ng hindi mapigilang pagtaas ng mga walang trabahong Pilipino. Ilang buwan din iyon na tambay sa aming bahay, palamunin ng walang pagod sa katatrabahong Nanay ko. Pero tinamaan ako ng hiya noon sapagkat hindi naman kami mayaman kaya dapat lang na makakuha na ako ng trabaho. Sumagi sa aking isip ang pagpunta sa Maynila. Mangyari kase ay walang oportunidad sa probinsya. Kaya lang naisip ko rin na bagama't maraming oportunidad sa mga siyudad, marami din naman ang naghihikahos at halos sumuko sa paghahanap ng mapapasukan sa dami ng kakumpitensya. Hay buhay!! Bakit ba ang hirap mabuhay sa Pilipinas? Kaya lang kailangan ko talagang magtrabaho. Muntik ko ng makalimutan na panganay nga pala ako sa aming magkakapatid at medyo may sinipagan kase sila na bigyan ako ng mga kapatid. Anim na supling pa ang sumunod sa akin.


Ganoon na nga ang nangyari, mabuti na lamang at natanggap akong Klerk sa opisina ng isang kilalang pamilya ng mga abogado sa aming probinsya. Marami akong natutunan sa aking unang trabaho mula sa mga gawaing opisina hanggang sa mga pagpapahalaga na dapat taglayin hindi lamang ng isang manggagawa kundi higit pa ng bawat Pilipino lalong lalo na sa ganitong kondisyon ng ating bansa na animo'y pabulusok at lalong nasasadlak sa kahirapan. Meron ngang nagsabing huwag daw tayong mag-isip kung ano ang magagawa sa atin ng gobyerno, bagkus ay marapat na isipin natin kung ano ang ating magagawa para sa ating bayan. Sino na nga ba ang nagsabi noon? Nakalimutan ko na, dahil siguro madalas na kalam ang aking sikmura.


Taong 2005 ng ako ay makapasok sa pagtuturo sa isang pampublikong paaralan. Naranasan ko ring mag-volunteer ng ilang buwan. Eto kaseng si Gloria, hindi kaagad pinondohan ang aming mga item. Nanalo kase noon si Madam sa kasong impeachment kaya ayun at inuna niyang binigyan ng pamasahe at allowance papuntang London na kasama niya ang mga Kongresistang pumabor sa kanya.


Pero maswerte pa rin ako sapagkat nag-volunteer lamang ako ng ilang buwan. Mangyari ay mayroon pala doong mga nagboboluntaryo ng maraming taon na rin. Ang iba ay tatlong taong habang mayroong higit pa habang ang iba ay kung saan saang sulok pa ng probinsya naatasang magturo. Bilib na bilib ako sa kanila. Sapagkat sa kabila ng kakarampot na honorarium na natatanggap nila ay patuloy at walang sawa pa rin silang nagtuturo.


Unang araw ng pasukan noon at nagsipagdatingan na rin ang aking mga magiging estudyante. Pansamantala ay naging estranghero kami sa isa't-isa. Natagalan bago ko naibulalas ang aking naging pambungad na pananalita. Noon lang kase talaga ako nagturo sa isang klaseng sekondarya. Hindi naman talaga ako tapos ng kursong Edukasyon. Kumuha lamang ako ng units dito at pagkatapos ay kumuha ng pagsusulit para makakuha ng lisensya sa pagtuturo. Kinakabahan ako noon natagal tagalan bago ko maisambulat ang aking mga unang salita. Nakadagdag pa ang matinding init sa aking silid at mataas na bilang ng aking mga estudyante. 50 ata sila sa isang klase. Mabuti na lamang at nasa unang taon ang karamihan ng aking mga klase. Sila man ay baguhan din sa buhay sekondarya.
Ilang buwan pa ang lumipas ay lalo akong nangayayat. Lumabas na kase ang sungay ng aking mga estudyante na kahit buhusan mo ng isang timbang "holy water" ay hindi nito masisiwata at mapakakalma ang malademonyong mga estudyante ko. Alam kong hindi nararapat na ito ang mga naiisip ko sa aking mga estudyante. Siguro ay gawa na rin iyon ng aking pagkasalat sa ekspiryens. Hindi naglaon ay natutunan ko ring hawakan ang iba't ibang ugali ng aking mga estudyante.
(itutuloy..)